MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 2-anyos na bata na nagkalasug-lasog ang katawan makaraang aksidenteng mahulog mula sa ika-30 palapag ng condominium at sumabit pa ang katawan sa 15th floor ng tower sa Quezon City kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si Theresa Dior Mendoza na bagong lipat lang sa isang tower sa Araneta Center sa Brgy. Socorro, Quezon City.
Sa inisyal na ulat ni P/MSgt. Julius Cesar Balbuena, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, kalilipat lamang umano ng pamilya ng biktima sa Unit 30 ng isang tower mula sa dati nilang tahanan sa Alaminos, Pangasinan. Dakong alas-2:45 ng hapon habang abala umano sa paglilinis at pagsasaayos ng kanilang mga kagamitan ang ina ng bata at kaanak ng naiwanan sa guest room ang biktima, subalit bigla umanong na-lock ang seradura ng pinto kung saan ay nasa loob din ang susi.
Dahil dito, natuliro ang ina ng bata at inutusan ang kaanak na maghanap ng paraan upang makapasok sa guest room kung saan nakulong ang bata.
Nagtungo sa balcony ang isang kaanak at nang makita niya ang bata na nakasungaw na sa bintana ay mabilis siyang tumalon upang agapan subalit hindi na niya naisalba pa dahil eksaktong sa paglipat niya ay nahulog na ang paslit.
Sumabit pa ang katawan ng bata sa steel beam ng ika-15 palapag ng gusali kaya humingi na sila ng saklolo sa mga naninirahan sa mga kalapit na unit na agad namang tumawag ng mga guwardiya.
Nabatid na tumuntong umano sa maleta ang bata at saka dumungaw sa bintana subalit aksidenteng nahulog.