200 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog

Ilang residente ang naghahanap pa ng mga bagay na maaaring mapakinabangan mula sa mga kabahayan na nagmistulang kahon ng posporo ang hitsura matapos lamunin ng apoy sa Reyes St., Brgy. San Antonio, Parañaque City kahapon. Nasa 200 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na umabot sa Task Force Alpha. (
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Nasa 200 pamilya ang nawalan ng bahay makaraang matupok sa pagsiklab ng halos tatlong oras na sunog sa isang residential area sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-5:37 ng hapon nang unang sumiklab ang apoy sa dalawang palapag na bahay ng pamilya Guarino sa may Extra Ext. Masthead St., Area 1, Fourth Estate Brgy.  San Antonio, ng naturang lungsod.

Idineklara ang unang alarma dakong alas-5:43  ng hapon hanggang sa umabot ito sa Task Force Alpha kung saan nasa 20 firetrucks buhat sa BFP at 31 fire volunteers ang rumesponde sa lugar dakong alas-6:10 ng gabi nang tuluyang kumalat ang apoy sa ibang mga kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials.  

Alas-8:29 na ng gabi nang maapula at magdeklara ng “fire under control” si Para­ñaque Fire Marshall F/Supt Jose Callos Jr. ngunit nag-iwan ang sunog ng pagkatupok ng humigi’t kumulang na 75 na bahay na aabot sa halagang higit P800,000.

Walang naiulat na nasawi sa insidente ngunit pito ang nasugatan kabilang ang lima na isinugod sa pagamutan dahil sa hirap sa paghinga habang dalawa ang nagtamo ng mga paso sa katawan.

Blangko pa rin ang pulisya sa sanhi ng sunog na patuloy na iniimbestigahan ng mga arson investigators. 

Samantala, nananatili ang mga apektadong pamilya sa pinakamalapit na evacuation area sa barangay na naghihintay ng tulong buhat sa lokal at nasyunal na pamahalaan.

Show comments