Gatilyo nakalabit habang nagbibihis
MANILA, Philippines — Patay ang isang 28-anyos na bagitong pulis nang tamaan sa ulo ng bala dahil sa diumano’y aksidenteng nakalabit nito ang service firearm sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si P/Patrolman Johnfergb Soriente, nakatalaga sa PNP-Aviation Security Group at residente ng Lot 2, Block 14, San Andres Extension, Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni P/Staff Sgt. Mark Daniel De Guzman ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:45 ng umaga nang marinig ng maybahay na si P/Patrolman Josephine Soriente ang putok ng baril at nakita na lang na nakabulagta na ang mister.
Bigo nang maisalba ang biktima nang maisugod sa nasabing ospital.
Sa imbestigasyon, naligo pa umano ang biktima habang nagpaplantsa naman ang misis nito at nang ibigay na ang kanyang uniporme ay nagbibihis umano ito nang marinig ng ginang ang putok ng baril.
Lumalabas na habang isinusukbit umano ang baril ay nalaglag sa lapag kaya niya pinulot subalit sa gatilyo ito nahawakan dahilan upang pumutok at tumama sa sarili.
Nabatid na may isang anak na 9 na buwang gulang ang mag-asawa, at nakatalaga naman sa Navotas Maritime Police ang misis na si Josephine.