MANILA, Philippines — Dahil sa pagmamaneho ng walang helmet, bagsak kalaboso ang isang delivery man matapos mahulihan ng droga sa “Oplan Sita” sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo ang nasakoteng delivery man na si Jerome Tataro, 28-anyos at residente ng Brgy. Bahay Toro ng lungsod.
Ayon kay Montejo, ang suspect ay lulan ng kulay ubeng Honda Wave 125 (WI 5230) nang maharang dakong alas-5:30 ng umaga ng mga operatiba ng Talipapa Police Station 3 sa kanilang Oplan Sita checkpoint sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Benjamin Gabriel Jr. sa Road 23, panulukan ng Shorthorn, Project 8, Brgy. Bahay Toro dahil sa walang suot na protective helmet. Gayunman, sa halip na huminto ay pinaharurot ng suspect ang minamaneho nitong motorsiklo bunsod upang habulin siya ng mga operatiba at arestuhin.
Nang kapkapan, nakuha kay Tataro ang 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000.00 at cellphone na pinaniniwalaang gamit nito sa transaksyon ng iligal na droga.