Sa unang pitong buwan ni Mayor Joy Belmonte
MANILA, Philippines — Umaabot sa 112 Quezon City Hall employees ang nabigyan ng permanent status habang 62 naman ang nai-promote ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa unang pitong buwan niya sa kanyang posisyon.
Ayon kay Belmonte, ang hakbang ay bahagi ng kanyang naipangako sa unang flag raising ceremony bilang Mayor para magkaroon ng job security at maitaguyod ang professionalism sa lokal na pamahalaan.
Sinabi niya na noon pang Nobyembre naisagawa ang pagre-regular sa unang batch ng mga empleyado makaraang buhayin ang QC Human Resource Merit Promotion and Selection Board (HRMPSB).
Ayon kay Ronald Tan, officer-in-charge ng QC Human Resource Management Department (HRMD), nadiskubre nila na ilang empleyado sa city hall ay mahigit limang taon ng nagtatrabaho bilang contractuals.
Niliwanag ni Belmonte na ang proseso ng appointment at promosyon ng kanyang administrasyon ay batay sa merito na nadetermina ng Board.
Samantala, pinuri ng iba’t-ibang labor groups si Belmonte hinggil sa pagtataas sa sahod ng mga empleyado ng Quezon City Hall at pagre-regular sa mga empleyadong may ilang dekada ng nasa contractual status.
Sinabi ng Defend Jobs Philippines na ang ginawang ito ni Belmonte ay nararapat lamang na tularan ng iba pang local government units sa bansa.
Sa Quezon City ay may 4,359 non-plantilla contractual at job order employees ay tatanggap na ng sahod na P13,000 per month mula Marso mula sa dating P8,000 sahod kada buwan kahit nagtatrabaho ng may 40 oras.