MANILA, Philippines — Patay ang isang mister matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Socorro, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/ Corporal Rodney Bay-os, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktimang si Camilo Cawilan Molina, 33, ng14th Avenue, Brgy. Socorro, Quezon City.
Nabatid sa ina ng biktima na dakong alas-12:30 ng madaling araw nang sunud-sunod na katok sa pintuan ng kanilang gate ang kanyang narinig.
Agad umano siyang tumayo sa higaan at pagsilip niya sa bintana ay nakita niya ang anak sa labas ng gate, subalit biglang sumulpot ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo at pinagbabaril ito.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng P. Tuazon dala ang armas na ginamit sa pamamaslang.
Agad namang isinugod sa ospital ang biktima subalit agad rin itong binawian ng buhay sanhi ng tinamong limang tama ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa katawan.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing im-bestigasyon ang mga awtoridad para mabatid ang motibo ng krimen, makilala at madakip ang dalawang salarin.