‘No permit, no rally’ policy ipatutupad

NCRPO full alert sa EDSA People Power anniversary

MANILA, Philippines — Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang ‘no permit, no rally policy’, habang nasa 5,000 pulis ang idedeploy kaugnay sa  pagdiriwang ng ika-34 anibersaryo ngayon (Pebrero 25) ng EDSA People Power Revolution .

Binigyang diin ni PNP Chief Police General Archie Gamboa na nakalatag na ang lahat ng seguridad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa mga aktibidades at pagdiriwang.

Nasa full alert status ngayong araw ang NCRPO kaugnay nito.

 Sinabi ni Gamboa , ipauubaya na niya kay NCRPO Chief Director Major Gen. Debold Sinas ang paglalatag ng security at contingency measures kaugnay ng  mga ikinakasang kilos protesta ng iba’t-ibang grupo.

“ The NCRPO is in charge of that to secure those who would conduct rallies. As long as they have permits then we can always allow them”, pahayag ni Gamboa.

 “This is a free country, we can exercise our freedom of expression but of course under different limitations as provided for by law”, ayon pa sa PNP Chief .

 Kasunod nito, pinaalalahanan ni Gamboa ang publiko na maging laging mapagbantay sa anumang uri ng banta at huwag mag-atubiling ipagbigay alam sa mga awtoridad sakaling may makita silang kahina-hinalang tao, bagay o aktibidad”, ani Gamboa.

Samantala wala namang namomonitor na banta sa seguridad ang NCRPO hinggil sa pagdiriwang ng ika-34 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayon.

Nabatid na simula alas-4 ng madaling araw ngayong araw, itataas ng NCRPO ang red alert status sa buong Metro Manila bilang bahagi ng kanilang ilalatag na seguridad at mga contingency measures sa nasabing gagawing pagdiriwang ng EDSA People Power.

Ayon kay Sinas, 2,500 pulis ang idedeploy sa EDSA People’s Power Monument, EDSa Shrine, palibot ng ABS-CBN, kahabaan ng EDSA sa Quezon City habang ang  iba pa ay sa lungsod ng Maynila sa Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda at Mendiola.  

 

Show comments