NCRPO kumambiyo sa ‘profiling’ sa Muslim students

MANILA, Philippines — Kumambiyo  ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pagkalap ng datos sa mga estudyanteng Muslim na nag-aaral sa Metro Manila makaraang umani ng mga pagtuligsa at tinawag na ‘profiling’ ng isang grupo ng mga guro.

“I have directed the District Director of Manila Police District B/Gen Bernabe Balba to recall the memorandum regarding the updated list of Muslim Students in High School, Colleges and Universities in Manila City,” ayon kay NCRPO Director M/Gen Debold Sinas sa inilabas na pahayag nitong Biyernes ng gabi.

Magsasagawa rin umano sila ng representasyon sa Directorate for Police Community Relations (DPCR) para bawiin ang inilabas na direktiba.  Sa kabila ito ng paninindigan ng pulisya na hindi ‘profiling’ ang direktiba ngunit layon lamang na makakuha ng datos na gagamitin ng Salaam Police Center na para naman sa mga Muslim.

“The NCRPO does not intend to cause harm and anxiety to our Muslim brothers and sisters,” giit pa ni Sinas.

Sa kabila nito, ipagpapatuloy pa rin umano ng Salaam Police ng Manila Police District ang pakikipag-ugnayan sa mga estudyanteng Muslim para maituloy ang kanilang mga proyekto at iba pang aktibidad para sa Muslim community.

Nilinaw naman ni NCRPO spokesperson Maj. Britz Estadilla na hindi lamang sa Maynila ang ‘recall order’ sa direktiba ngunit sa buong NCR.

Sinalubong ng batikos ang naturang direktiba sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na nagsabing ‘profiling’ ang gagawin ng NCRPO habang nagpasa ng resolusyon ang Bangsamoro Transition Authority na nagsabing isang uri ng “oppression” at “baseless stereotyping” ito.

Show comments