2 timbog sa injectable shabu
MANILA, Philippines – Dalawang lalaking nagbebenta ng mga liquid o injectable na shabu online ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Service Director Levi Ortiz, ang mga naarestong suspek na sina Mark Kenneth Del Rosario San Juan, alyas Xian, at Jeffrey Villarin Saclao, mga residente ng Makati City.
Batay sa ulat ng PDEA, dakong alas-12:10 nang madaling araw kahapon nang ikasa ang buy-bust operation sa bisinidad ng isang fast food chain sa Guevarra St., Brgy. Highway Hills.
Nakabili umano ang undercover agent ng PDEA mula sa mga suspek ng limang piraso ng heringgilya na naglalaman ng liquid shabu na nagkakahalaga ng P10,000 kaya’t kaagad nang inaresto ang mga ito.
Nakumpiska rin mula sa mga suspek ang isang pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na may street value na P13,600; may 26 pirasong heringgilya na naglalaman din ng liquid shabu, na may sukat na 10.4 milliliters at tinatayang may street value na P52,000; at isang pirasong sterile water bottle, digital weighing scale at marked money.
Ayon sa mga awtoridad, modus operandi umano ng mga suspek ang magbenta sa social media ng droga kabilang na ang injectable shabu.
Ipinakikita pa umano ng dalawa sa kanilang mga parokyano, sa pamamagitan ng demo, kung paano gamitin ang injectable shabu.
Ang mga suspek, na nakapiit na sa PDEA office, ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa piskalya.
- Latest