Konstruksyon ng MRT-7 sa Quezon City Circle, pinahinto ni Mayor Joy
QUEZON CITY, Philippines — Pansamantalang pinahinto ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ground construction ng MRT-7 sa Quezon Memorial Circle (QMC) station upang matiyak sa developer, contractor at maging sa Department of Transportation (DOTr ) na hindi maaapektuhan ang integridad ng pamosong landmark at heritage site ng lungsod.
Sinabi ni Belmonte na siya ay sumusuporta sa ‘Build Build Build’ program ng pamahalaan pero hindi nito dapat maapektuhan at masira ang kilalang heritage site lalo na ang surface ng naturang parke.
“We put a temporary stop to the construction of the QMC station because it would affect the landmark’s identity as a national heritage park. we want to look for a win-win solution that would protect our open spaces while advancing the welfare of thousands of commuters who will benefit from the mass transport project,” pahayag ni Belmonte.
Inutos ni Belmonte ang pagbusisi sa proyekto dahil sa nakarating na impormasyon ang proyekto ay lumampas sa napagkasunduang lugar na pagtatayuan ng MRT-7.
Sa naibigay na permit at clearance sa proyekto, inilagay ng contractor na ang proyekto na may 4,997 square meters ang floor area pero lumalabas na ang proposed floor area ay mas malaki ng limang beses kaysa sa naaprubahang laki.
Dahil ang QMC ay isang historical landmark, nais ni Belmonte na magbigay ng pahayag hinggil dito ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ang Quezon-Avancena Family, ang mga tagapagmana ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Ang labi ni Quezon ay matatagpuan sa QC Circle.
Ang MRT-7 ay isa sa 7 mass transit infrastructure projects ng pamahalaan na itatayo sa lungsod.
- Latest