MANILA, Philippines — Tatlong van na ginagamit sa pangongolorum ang hinuli at inimpound ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) dalawa rito ay ginagawang service ng mga Chinese na empleyado ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) ng walang dokumento sa ikinasang operasyon nitong Biyernes sa Makati City.
Ikinasa ng I-ACT ang operasyon sa may Brgy. Bangkal, Makati City kung saan unang pinara ang isang van na nakarehistro bilang isang pribadong behikulo na puno ng mga sakay. Nang tanungin ang mga pasahero, ilan ang umamin na galing sila ng Balayan, Batangas at nagbayad ng pasahe na P180 bawat isa hanggang Pasay.
Sunod na pinara naman ng enforcement team ang dalawang van na parehong may sakay na mga Chinese nationals.
Ikinatwiran ng mga tsuper na ginagamit ang kanilang mga van na ‘company shuttle’ ng mga POGO. Ngunit nang hanapan sila ng Contract of Lease ay parehong wala silang maipakita.
Dinala na sa impounding area ng I-ACT ang tatlong behikulo. May katumbas na P200,000 multa ang naturang paglabag at pagkaka-impound sa loob ng tatlong buwan na mag-uumpisa sa oras na mabayaran ang multa.
Kasama ang I-ACT sa operasyon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Mula Enero 31 hanggang Pebrero 13, umabot sa 280 tsuper ang naisyuhan ng tiket ng I-ACT sa ikinasang mga operasyon sa bisinidad ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Nasa 107 ang hinuli dahil sa ‘disregarding traffic signs, 128 dahil sa hindi pagsusuot ng helmet, 32 sa Obstruction, lima ang hinuli dahil sa ilegal o kawalan ng accessory o safety equipments, apat sa hindi paggamit ng headlight, dalawa dahil sa pag-andar ng bukas ang pinto, isa sa reckless driving at isa dahil sa walang dalang driver’s license.