MANILA, Philippines — Patuloy na magkakaroon ng malinis na inuming tubig ang publiko alinsunod sa Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW) ng pamahalaan.
Ito ay makaraang aprubahan ng Department of Health (DOH) Metro Manila Center for Health Development ang renewal ng Manila Water Laboratory Services’ laboratory accreditation hanggang taong 2022.
Ang akreditasyon ay magbibigay daan sa MWLS na magsagawa ng chemical, physical, at microbiological analysis kahit ang samples ay mula sa labas ng Metro Manila’s East Zone.
Kinilala rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang MWLS bilang isang environmental laboratory.
Ang pagkilala ng DENR ay resulta ng isinagawang inspection at assessment ng Board of Chemistry, academe at industry experts na kinomisyon ng DENR Environmental Management Bureau (EMB).
Ang Environmental laboratories ay otorisado ng DENR na magkaroon ng environmental data para sa environmental impact assessment, environmental monitoring at research activities na susuporta sa pagpapatupad ng mga alituntunin at batas ng pamahalaan para mapangalagaan ang kapaligiran ng ating bansa .