MANILA, Philippines – Umabot sa 11 katao na ang ilan ay katatapos lamang magsimba ang nasugatan makaraang suwagin ng isang sports utility vehicle (SUV) sa harap ng simbahan ng Baclaran sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Pawang isinugod sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktima na nagtamo ng mga pasa at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Arestado naman ang tsuper ng itim na Toyota Fortuner na si Allan Respecia, ng DF Yuseco St. Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Parañaque City Traffic Bureau, naganap ang insidente dakong alas-9:40 ng gabi sa harapan ng Gate 2 ng Baclaran Church sa Redemptorist Road, Barangay Baclaran ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay P/Major Jolly Soriano, kalalabas lamang ng simbahan ang ilan sa mga biktima habang nagtitinda naman sa gilid ng simbahan ang iba nang bigla silang suwagin ng nabanggit na SUV na minamaneho ni Respecia.
Bukod sa mga taong nabangga, inararo rin ng SUV ang mga nakaparadang sasakyan kabilang ang apat na motorsiklo, isang e-bike at tatlong kariton ng mga vendors na nagtitinda sa lugar kahit na mahigpit na ipinagbabawal.
Iginiit ni Respecia na nawalan umano siya ng kontrol sa preno ng sasakyan kaya nabundol ang mga biktima. Hinala ng mga pulis, maaaring silinyador o gas pedal ng kotse ang kaniyang natapakan sa halip na ang preno kaya humarurot ang sasakyan.
Nahaharap naman ngayon sa kasong Multiple Physical Injuries at Damage to Properties ang suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office.