Seaman sinibak ng coast guard; Gov't vehicle pinangpi-pick up ng prostitute
MANILA, Philippines — Sibak sa pwesto ang isang kawani ng Philippine Coast Guard matapos mapag-alamang ginagamit niya ang sasakyan ng gobyerno para mang-"goodtime" sa iligal na paraan.
Ang balita ay kinumpirma ni PCG Admiral Joel S. Garcia sa isang pahayag na ipinadala sa media.
Naaktohan sa video si Seaman Second (SN2) Abulhair S. Turabin habang kumukuha ng mga sex workers sa isang videoke bar sa Quezon Avenue, Quezon City noong ika-20 ng Disyembre 2019.
Ayon pa sa statement, ini-isyu ang sasakyan hindi sa kanya ngunit para sa kanyang immediate supervisor.
"Ibinase ito sa rekomendasyon ng mother unit ni Turabin, ang PCG — Logistics Command," sabi pa ng coast guard sa Inggles.
Matapos matanggap ang reklamo kaugnay ng grave misconduct, inilagay muna sa preventive suspension si Turabin habang iniimbestigahan ang kaso.
Matapos silipin at aralin ang kaso, sinabi ni PCG spokesperson Captain Armand A. Balillo na napatunayang nagkasala si Turabin sa paggamit ng sasakyan ng gobyerno para sa personal na dahilan labas sa oras ng trabaho na labag sa mga panuntunan at regulasyon ng mga uniformed armed service at iba pang lingkodbayan.
Agad na dinischarge sa serbisyo si Turabin bunsod ng kanyang kabiguan na sumunod sa kanyang sinumpaang tungkulin.
"Iginigiit ni Admiral garcia na hindi kinukunsinti ng PCG ang mga gawing ito at inuudyok ang lahat ng lalaki't babaeng bahagi ng serbisyo na tignan ito bilang aral," sabi pa ng coast guard.
Ipinagbabawal ng batas ang prostitusyon sa pamamagitan ng human trafficking sa bisa ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. Gayunpaman, tila tino-tolerate ito sa bansa.
Karaniwan itong matatagpuan sa mga bar, KTV, massage parlors, kasa at mga serbisyong ibinibigay ng "walkers" at "escort service."
- Latest