Pampasaherong jeep nagliyab
MANILA, Philippines – Isang pampasaherong jeep ang nagliyab, kahapon ng umaga sa Monumento, Caloocan City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Caloocan, alas-6:30 ng umaga nang maganap ang pagkasunog ng pampasaherong jeep sa northbound lane ng Rizal Avenue Extension sa ilalim ng LRT Monumento sa Brgy. 86, ng naturang lungsod.
Biyaheng Maynila-Valenzuela ang jeep (PXS 877) na minamaneho ni Trece Domingo Sto. Domingo, residente ng San Andres Street, Malanday, Valenzuela City nang biglang sumiklab ang apoy. Agad na nagsibabaan ang mga pasaherong sakay ng jeep bago tuluyang lumaki ang apoy.
Mabilis namang nirespondehan ng mga bumbero ang insidente at napatay ang apoy dakong alas-7:05 ng umaga. Masuwerteng walang naiulat na nasaktan sa insidente ngunit nagdulot naman ito ng mas mabigat na daloy ng trapiko sa naturang lugar na umabot sa EDSA.
Natukoy na ang ‘faulty electrical wiring’ ng jeep ang dahilan nang pagsiklab nito.
- Latest