MANILA, Philippines – Naniniwala ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV) na napapanahon na ang pagbuo ng isang independent agency na siyang tututok upang maiwasan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit.
Sa ginanap na forum ng Kapihan sa Manila Hotel ng Samahang Plaridel, sinabi ni PFV Executive Director Dr. Lulu Bravo na ‘good move’ ang pagbuo ng Center for Disease Control lalo pa’t hinaharap ngayon ng buong mundo ang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV-ARD).
Sinabi ni Bravo na ang panukalang CDC ay bubuuin ng Disease Prevention and Control Bureau (DPCB) ng Department Health at Epidemiology Bureau na magbibigay ng maayos na ulat.
Ani Bravo maraming nakahahawang sakit ang tinututukan ng DOH subalit kinakailangan din na mayroong nakatutok sa research at clinical trials.
“Hindi mo dapat paghaluin. Dapat ang kanya-kanyang function is well-defined... kaya dapat meron kang nakalaan for control. ‘Yang CDC kasi ‘yan talaga ang dapat mamahala sa pag-control at pag-contain.” ani Bravo.
Binigyan diin din ni Bravo na habang nakatutok ang mga gobyerno sa banta ng nCoV, hindi dapat na ipagwalang bahala ng pamahalaan ang pneumococcal diseases na pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga batang wala pang 5 taon.
Mas makabubuti rin kung susuriin ng DOH kung ano sa pneumococcal conjugate vaccine (PCV) 10 at PCV13 ang epektibo at mura para sa pneumococcal diseases.