MANILA, Philippines – Patay ang isang pulis-Pasay makaraang tambangan ng riding-in-tandem habang pauwi na ang biktima galing sa kanyang duty, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Cpl Alvin Villareal, 32-anyos, nakatalaga sa Kalayaan Police Community Precinct ng Pasay City Police.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaslang dakong alas-7:30 ng umaga sa kahabaan ng West Service Road patungong Nichols sa Brgy. 201 Zone 20, ng naturang lungsod.
Katatapos lang sa magdamag na duty sa presinto ni Villareal at pauwi na sakay ng kanyang motorsiklo nang harangin siya ng mga salarin. Hindi na nagawang makabunot ng kanyang baril ang biktima nang maunahan siyang paputukan ng isa sa mga suspek na mabilis tumakas lulan ng kanilang motorsiklo.
Narinig ng mga miyembro ng Philippine Air Force sa naturang lugar ang mga putok ng baril kaya nirespondehan nila ito. Naabutan na lamang nila ang biktima na duguan sa kalsada na mabilis nilang isinugod sa Pasay City General Hospital lulan ng ambulansiya ngunit hindi na umabot pang buhay.
Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng Pasay City Police sa pagpatay sa kanilang kabaro. Kabilang sa inaalam kung may natatanggap na death threats si Villareal.