Bebot na nagpaturok ng ‘pampaputi’, nasawi
MANILA, Philippines — Patay ang isang 33-anyos na empleyada matapos magpaturok ng beauty enhan-cer na ‘glutathione’ at iba pang vitamins injectable matapos na unang mawalan ng malay, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasa-wi na si Shyrill Gee Distor, ng Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni P/Corporal Allan Lingcong ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:00 ng hapon noong Pebrero 3, nang maganap ang insidente sa loob ng Glutaholics Spa na matatagpuan sa Prudencio St. corner Maria Clara St., Sampaloc, Maynila.
Sa imbestigasyon, nagtungo ang biktima sa nasabing beauty spa para mabigyan siya ng Glutathione dose na itinurok ng nurse na si Jillian Dizon.
Ayon kay Lingcong, sinabi ni Dizon, na matapos turukan ng isang vial ng Aqua Skin Diamond-Pro Ultra White F-40 na gawa ng Skinnic Laboratories at isang ampule ng Ascorbic Acid Vitarex-C ay nawalan na nang malay ang biktima.
Dahilan upang isugod ito sa UST Hospital subalit alas-11:13 ng gabi ng araw ring iyon ay idineklarang patay ang biktima.
Patuloy pa ang malalimang imbestigasyon na kasalukuyan pang inaantabayanan ang autopsy result at toxicology examinations sa labi ni Distor.
Inaalam kung may posibleng reckless imprudence/medical malpratice ang nasabing insidente o may iba pang dahilan tulad ng sakit na taglay ng biktima sanhi ng kanyang kamatayan.
- Latest