Tricycle driver, dinedo ng pasahero
MANILA, Philippines — Isang tricycle driver ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang suspek na kanyang pasahero sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay nakilalang si Fortunato Cagul, 40, ng Martan St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. George Caculba ng Criminal Investigation Division Unit ng Quezon City Police District, nabatid na ang krimen ay naganap dakong alas-2:00 ng madaling araw sa tapat ng Raflon Boutigue sa Villongco St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Ayon sa report, sumakay ang suspek sa tricycle ng biktima at nagpahatid ito sa Villongco St.
Pagdating sa lugar, sa halip na magbayad ng pasahe ay baril ang binunot ng suspek at apat na beses na pinaputukan ang biktima.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek patungo Commonwelth Avenue.
Sa pagresponde ng mga tauhan ng SOCO team ay nabatid na apat na tama ng bala sa ulo at katawan ng tinamo ng biktima na noon ay nakasubsob pa sa kanyang tricycle.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang motibo ng krimen.
- Latest