BHERTs sa bawat barangay, ipinatatatag ng DILG
Para mapigilan ang pagkalat ng NcoV
MANILA, Philippines — Inatasan na ni Interior Secretary Eduardo Año ang lahat ng barangay sa bansa na bumuo ng kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) upang makatulong na mapigilan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus (2019 nCoV) sa bansa.
Ayon kay Año, ang paglikha ng BHERTs ay naglalayong tumulong sa pagtugon sa krisis at pawiin ang pangamba ng kanilang nasasakupan sa sakit, na maaaring magpalala pa sa sitwasyong kinakaharap ng bansa ngayon.
Sinabi ng kalihim na bawat barangay ay dapat na may sapat na impormasyon at kaalaman hinggil sa sakit at maging handa sa pag-adopt ng mga protocols upang mapigilan ang pagkalat nito.
Nais ni Año na bawat punong barangay ay dapat na magtalaga sa BHERT ng isang executive officer, isang village watchman o barangay tanod, dalawang barangay health workers, na ang isa ay dapat na nurse o midwife, at dapat ding mayroon silang kumpletong protective gears, gaya ng surgical gowns, goggles, masks, at gloves.
Ang BHERTs din aniya ang magsisilbing ‘mata at tenga’ ng pamahalaan sa pagtiyak na ang mga residente sa kanilang komunidad ay ‘all accounted for’ at may sapat na kaalaman laban sa nCoV.
Sa kanyang inisyung DILG Circular 2020-018, inaatasan ng kalihim ang mga BHERTs na bumisita sa mga tahanan ng mga taong kararating lang mula sa mga ‘virus-infected country’ at magbigay ng listahan ng mga taong maaaring nagkaroon sila ng close contact.
Ang mga BHERTs din aniya ang inaatasang magmanman o mag-obserba sa lahat ng pasahero na bagong dating lamang mula sa mga sintomas ng sakit, kabilang dito ang pagtatala ng kanilang daily body temperatures sa loob ng 14 na araw, na siyang incubation period ng virus, habang naka-confine sila sa kanilang mga tahanan.
Ani Año, sakali umanong maobserbahan nilang nagkaroon ng ubo, sipon, hirap sa paghinga at pangangapos ng paghinga ang bagong dating na mga pasahero, ay dapat na kaagad na ring i-isolate ang mga ito ng mga BHERTs sa isang silid at payuhan na gumamit ng N95 mask bago tuluyang ilipat sa referral center ng Department of Health (DOH) o sa pagamutan, upang maisailalim sa pagsusuri at lunas.
- Latest