Libu-libong tinapay, ipinamahagi sa Taal evacuees

MANILA, Philippines — Umabot sa 80,000 piraso ng nutri-aid at iba pang uri ng tinapay ang ipinamahagi sa iba’t ibang bayan sa Batangas partikular sa Cuenca, na tinaguriang ‘Home of the Bakers’ matapos ang pagsabog ng bulkang Taal.

Kabilang sa mga bayang tumanggap ay ang bayan ng Balayan, San Luis, Malvar, San Nicolas at Alitagtag.

Kaugnay nito, labis na nagpasalamat si Lucito “Chito” B. Chavez, na isa ring Batangueño, sa Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) na nagbigay ng 100 sako ng harina para gawing nutri-aid bread, isang uri ng soft roll ng Tinapayan Festival Bakeshoppe.

Malaki ring ambag ang libu-libong tinapay na dinala ng iba pang panaderong Cuencaño hindi lamang sa bayan ng Cuenca kundi maging sa iba pang bayan sa Batangas.

Sa tulong ni Alitagtag Association of Barangay Captain President (ABC) Ding Mangundayao at ng mga namumuno sa bayan ng Cuenca, naisagawa ang maayos na pagtanggap at pamamahagi ng tinapay sa mga karatig-bayan sa Batangas. Ang Tinapayan Festival ay nakapagpaabot din ng mga natu­rang nutria-aid sa tulong ng Civil Service Commission (CSC) sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Nagpapasalamat si Chavez sa idinagdag na 30 bag ng harina ng San Miguel Mills sa programang nabanggit. Agaran ding nagpadala ng 5,000 hamburger buns ang Liberty Bakery na pag-aari ni Mr. Henri Ah, na malapit ang kalooban sa mga panaderong Cuencaño.

Show comments