‘Di daw siya Chinese at walang sakit, lasing lang kaya natumba
MANILA, Philippines — Lumutang sa Manila Police District (MPD) ang isang Korean national na noong una ay inakalang Chinese at pinagdudahang infected ng kinatatakutang novel coronavirus (nCoV) nang mapanood umano niya sa kanyang cellphone ang inupload na video sa social video para linawin na lasing lamang siya at walang sakit.
Sa ipinalabas na spot report ni P/Corporal Joefrey Magat ng MPD-Station 5, si Songjae An, 27-anyos.
Nagulat umano ang Koreano nang makita niya ang sarili na nasa video ng social media na may caption pang infected ng nCoV.
Paliwanag niya sa pulisya, nakatulog siya sa kalye dahil sa sobrang kalasingan.
Matatandaang naglabasan ang mga ulat sa tri-media at sa social hinggil sa isang pinaniniwalaang Chinese na natumba sa panulukan ng Remedios at Taft Avenue, sa Malate, Maynila na sinabi sa live video ng uploader na hindi man lamang nirespondehan nang ihingi nila ng tulong na madala sa pagamutan noong Biyernes ng gabi sa takot umano sa nCoV.