Klase sa paaralan, ‘di dapat suspindihin-DOH
Sa kabila ng banta ng coronavirus
MANILA, Philippines — Bagamat may banta ng coronavirus, sinabi ng Department of Health (DOH) na hindi dapat na kanselahin ang klase sa mga paaralan.
Nasa 8 na pribadong paaralan, ilan sa mga ito ay kilalang Chinese schools, ang nag-anunsyo ng suspensyon ng klase kaugnay ng novel coronavirus na nagmula sa China.
Nabatid na kabilang sa mga nagkansela ng klase ay ang Philippine Academy of Sakya, Saint Stephen’s High School, Saint Jude Catholic School, dalawang sangay ng Chiang Kai Shek College sa Padre Algue at Narra St., Hope Christian High School, Lorenzo Ruiz Academy, at Uno High School.
Sinabi ni Duque na hindi kabilang sa guidelines ng departamento ang suspensyon ng klase para sa novel coronavirus.
Sinabi ni Duque na kailangan muna nilang hintayin ang abiso ng World Health Organization bago maglabas ng rekomendasyon laban sa bagong virus.
Matatandaang kabilang ito sa malaking pamilya ng mga virus kung saan kabilang dito ang normal na lagnat hanggang sa nakamamatay na sakit na MERS-CoV at SARS CoV.
Payo rin ng DOH sa mga local government unit na makipag-ugnayan muna sa kanila bago maglabas ng suspensiyon o kanselasyon ng klase.
Pinaliwanag naman ni Education Secretary Leonor Briones, dapat magsagawa ng make-up classes ang mga ito nang sa gayon ay magkaroon ng sapat na “face-to-face interactions” ang mga estudyante sa kanilang mga guro.
- Latest