MANILA, Philippines — Aabot sa 31 kababaihan ang nasagip ng mga tauhan ng Makati City Police sa ginawang pagsalakay sa isang bar na ginawang prostitution den kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Sa ulat, alas-11 ng gabi nang salakayin ng mga tauhan ng Makati City Police Station Investigation and Detective Management Section, Intelligence Unit at Women and Children’s Desk ang Feelmore Ihaw Ihaw Atbp Bar and Restaurant na nasa Filmore Street, Brgy. Palanan, ng naturang lungsod.
Ayon kay Makati City Police chief, Col. Rogelio Simon, ilang linggo na silang nakakatanggap ng impormasyon sa ipinalalabas na ‘bold show’ sa naturang bar at maaari ring mailabas ang mga babae kapalit ng babayaran sa bar ng kustomer.
Inabutan ng mga operatiba ang ilang babae na nagsasayaw ng hubo’t hubad habang naka-table sa mga kustomer ang iba pa.
May 15 empleyado ng bar ang inaresto at nakatakdang sampahan ng kaso ng pulisya.
Nabatid din na walang ‘business permit’ ang naturang bar na lantarang paglabag sa ordinansa ng Pamahalaang Lungsod ng Makati kaya makikipag-ugnayan ang pulisya sa Makati Business Processing and Licensing Office (BPLO) para ito ay maipasara.