MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs-NAIA ang 330 cartridges ng liquid marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P700,000 sa magkakahiwalay na cargo air parcels, mula sa iba’t-ibang bodega sa Pasay City.
Kahapon ay iprisinta sa media ni NAIA Customs Collector Mimel Talusan ang nasa 11 packages na naglalaman ng liquid marijuana na nadiskubre sa ginawang operasyon ng tauhan ng Customs sa air parcels.
Agad nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang Customs matapos kumpiskahin.
Naiturn-over na rin sa PDEA ang mga nasabat na liquid marijuana para sa kaukulang imbestigasyon at pagtukoy sa sender at consignees ng nasabing air parcels.
Iginiit ng Customs na noon pang taong 2015 nang magbigay ng advisory ang PDEA na iligal ang importasyon ng “Hempseed” at Canabidoil”, alinsunod sa probisyon sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.