Kampanya kontra polio pinalakas ni Mayor Joy Belmonte
MANILA, Philippines — Higit pang palalakasin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kampanya para malabanan ang sakit na polio sa lunsod.
Ito ay ginawa ni Belmonte bilang reaksiyon sa ulat ng Department of Health (DOH) na mula sa lunsod ang tatlong taong gulang na bata na nadiskubreng may sakit na polio mula sa Sitio Kaliwa, Batasan Hills sa lunsod.
Ang bata ang unang kaso ng polio sa Metro Manila mula Setyembre ng nagdaang taon.
Kaugnay nito, pinaigting ni Belmonte ang surveillance campaign ng lokal na pamahalaan sa lunsod para matiyak na wala nang ibang kasong polio ang maiuulat sa lunsod at magiging isolated case lamang ang naturang kaso.
Inatasan na din nito si QC Health Department Chief Dra. Esperanza Arias na tiyaking wala nang iba pang kaso ng polio na maitatala sa lunsod.
Pinalakas na din ng lokal na pamahalaan ang information campaign para hikayatin ang mga taga-lunsod na ugaliing magkaroon ng proper hygiene at palagiang paghuhugas ng kamay.
Ang nabanggit na bata ay nabigyan na ng limang bakuna kontra sa sakit na polio.
“Hindi nagpabaya ang lokal na pamahalaan sa tungkulin nitong magbakuna, bantayan at iulat ang posibleng kaso ng polio,” dagdag ni Belmonte.
- Latest