MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong kalalakihan kabilang ang isang sexagenarian matapos ang mga itong ireklamo ng robbery extortion sa isinagawang entrapment operation sa lunsod-Quezon kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni QCPD Director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga nasakoteng suspek na sina Raymund Pastor, 60 anyos; Calvin Osateres, 28, at Mar Trajano, 49, pawang mga resdidente ng Brgy. Quirino 2-A, Project 2 ng nasabing siyudad.
Ayon kay Montejo, ang mga suspek ay inaresto ng kanilang mga operatiba sa aktong tinatanggap ang P6,000.00 marked money sa entrapment operation sa kahabaan ng Central Avenue, Brgy. New Era, Quezon City bandang alas-5 ng hapon.
Ang mga suspek ay inireklamo ng negosyanteng si Milton Ngu, 48 anyos, ng Paco, Manila matapos itong makatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang nagpakilalang Joel Rivera na humihingi ng P650,000.00 at kung hindi ay’ kikidnapin ng kanilang grupo ang nasabing target.
Dito na dumulog ang biktima sa mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD sa ilalim ng pamumuno ni Police Major Elmer Monsalve .
Agad namang ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.
Nabawi naman sa mga suspek ang P6,000.00 entrapment money sa nasabing operasyon.