Suhestiyon ng DOH
MANILA, Philippines – Bra at diaper pwedeng alternatibo sa N95 laban sa ashfall.
Ito ang sinabi kahapon ng Department of Health (DoH) kung saan dapat umano na maging malikhain sakaling hindi makabili ng N95 o iba pang face mask na panlaban sa ashfalls na isinasabog ng Bulkang Taal.
Ayon kay Health Assistant Sec. Maria Francia Laxamana, gagawin lamang aniya ay babalutin ng tela sa ulo at mukha na ang makikita lamang ay ang mga mata habang iikot naman ang natitirang tela at iikot sa leeg. Dapat aniyang siguruhin na ang tela na matatapat sa ilong ay basa.
Ang ganito aniyang hakbang o ninja costume ay ginawa na aniya noong pumutok ang Mt. Pinatubo at Mt. Mayon. Marami aniyang naiwasan na respiratory illness dahil sa bagay na ito. Mapo-protektahan din ang tenga ay mapoprotektahan din ang ilong at bibig.
Maaari rin aniyang gamitin ang goggles na ginagamit sa diving at swimming para naman maprotektahan ang mata sa iritasyon dahil sa ashfall.
Kaya nga aniya nang mabalitaan niya na kulang na ang N95 dahil sa pagpanic ng mga taga-Metro Manila na bumili nito ay inilahad niya ang mga alternatibong pamamaraan na ito.
Samantala nanawagan din ang DoH sa mga regional health offices at iba pang mga ospital ng iba’t ibang rehiyon na magpahiram ng kanilang N95 mask para sa mga residente ng Batangas at Cavite na patuloy na nakararanas ng ashfall.
Sa Metro Manila ani Laxamana ay hindi naman matindi ang buhos ng abo subalit nagpanik ang mga tao kaya’t nag-unahan na bumili ng N95 dahilan para maubusan ng stocks.
Sa pamamagitan ng ibinigay na memo ng DoH Asec. Maria Francia Laxamana sa mga ito ay umaasa ang DoH na mabibigyan na ng N95 mask ang mga nasa Batangas at Cavite.
Ikinakasa na rin ng DOH ang pagbili ng emergency purchase ng N95.
Ang mga nasa lugar ng Metro Manila, Region 3 at mga lugar na nasabugan ng ashfalls ay puwede naman aniyang hindi gumamit ng N95 kundi maaari naman aniyang gumamit ng regular na surgical mask at iyong tinatawag na 4-ply face mask.
Sa ngayon aniya ang aalagaan at babantayan ng DoH ay ang mga residente na nasa South-West gaya ng Laguna at Quezon lalo pa’t mayroon aniyang forecast mula sa PAGASA.