Sa loob ng Camp Aguinaldo
MANILA, Philippines — Pinasabog umano ng isang misis ang granada ng kanyang sundalong mister makaraang magkaroon ng pagtatalo na nagresulta sa kanilang pagkakasugat kabilang ang isa sa dalawa nilang anak, naganap kahapon ng umaga sa loob ng Camp Aguinaldo, Quezon City.
Sa inilabas na pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo, dakong alas-6:20 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa loob ng apartment unit na inuukupahan ni Staff. Sargeant Larry de Guzman sa loob ng compound ng military headquarters.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa bago naganap ang pagsabog ng granada.
Bukod kay De Guzman, sugatan din ang kanyang misis at 11-anyos na anak dahil sa mga tinamong shrapnel habang mapalad namang hindi nasaktan ang 5 taong gulang nilang anak. Patuloy na ginagamot ang mag-ina sa V. Luna Hospital.
Papaalis umano ng bahay si De Guzman nang maganap ang pagsabog.
Nagsagawa na ng malalim na imbestigasyon ang AFP at Philippine National Police (PNP) matapos na madiskubre na ang asawa ni De Guzman ang naging sanhi ng pagsabog ng granada.