MANILA, Philippines — Iniutos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang patas na imbestigasyon kay SPD director Brig. Gen. Nolasco Bathan bunsod ng nangyaring paghablot sa cellphone ng isang TV reporter habang nirerecord nito ang komosyon sa prosesyon ng Itim na Nazareno noong Huwebes.
Ayon kay Sec. Año, walang magaganap na ‘white wash’ sa isinasagawang imbestigasyon kay Gen. Bathan.
“He should have not done that kahit na hindi ‘yan si Jun Veneracion kahit ordinaryong tao lang ‘yan. Hindi puwede ‘yung ganun na basta kukunin ko ‘yung cellphone, hahablutin mo. Hindi ‘yun kasama sa dapat gawin ng isang police officer,” sabi ni Año.
Maging ang ugat ng komosyon sa pagitan ng mga deboto at ilang miyembro ng pulisya noong Traslacion ay nais ding malaman ng kalihim ng DILG.
Sa inisyal na report, sinasabing, hinablot ni Gen. Bathan ang cellphone ni Veneracion matapos makunan ng video ng mamahayag ang pag-aaway ng isang deboto at mga pulis sa Ayala Bridge sa Maynila.
Hindi umano nagustuhan ng pulis ang pagkuha ng video ng mamahayag kaya hinablot nito ang kanyang cellphone.
Humingi na ng tawad si Bathan kay Veneracion, at sinabi niya na ginagawa lang niya ang trabaho niya na magbigay ng seguridad sa prosesyon.
Tinanggap naman ni Veneracion ang pagso-sorry ng heneral pero ang ginagawang pagsisiyasat ay hindi nito kontrolado.