MANILA, Philippines — Itinuturing ng pamilya ni Horacio ‘Atio’ Castillo, ang University of Santo Tomas (UST) law student na namatay sa hazing, na isang New Year’s gift ang pagbasura ng korte sa petition for bail ng sampung akusadong miyembro ng Aegis Juris fraternity.
Ayon kay Minnie Castillo, ina ni Atio, magandang regalo ito sa kanilang pamilya sa pagsisimula ng taon upang mas tutukan ang kaso at makamit ang hustisya para kanyang anak.
Sinabi pa nito na tiwala silang makakamit ang hustisya at maparurusahan ang mga responsable sa pagkamatay ni Atio.
Sa 56-pahinang desisyon, ibinasura ni Manila Regional Trial Court Branch 20 Presiding Judge Marivic Balisi-Umali ang petition to bail ng sampung akusado na kinabibilangan nina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew, at Marcelino Bagtang.
Ang mga akusado ay kasalukuyang nakakulong sa Manila City Jail.
Ayon kay Umali, malakas ang ebidensya laban sa mga akusado kaya’t hindi dapat payagan ang mga ito na makapagpiyansa.
Nahaharap ang sampu sa kasong paglabag sa Republic Act 8049 ang Anti-Hazing Law at posibleng makulong ng hanggang 40 taon.
Matatandaang nasawi si Atio noong September 17, 2017 bunsod ng ‘severe blunt traumatic injuries’ na nakuha mula sa initiation rites ng Aegis Juris members.