MMDA nag-abiso sa pagbabalik ng mabigat na trapik

Sinabi ni MMDA spokesperson Asst. Secretary Celine Pialago na sa buong papasok na linggo magiging mabigat ang trapiko dahil sa sabay-sabay na pagdagsa ng mga taga-Metro Manila na papasok na muli sa kani-kanilang trabaho at pagbabalik ng klase sa mga paaralan.
Michael Varcas/ File

MANILA, Philippines — Nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko ng pagbabalik ng mabigat na trapiko dahil sa pag-uwian ng mga taga-Metro Manila na nagbakasyon sa mga probinsya ngayong pagtatapos na ng holiday season.

Sinabi ni MMDA spokesperson Asst. Secretary Celine Pialago na sa buong papasok na linggo magiging mabigat ang trapiko dahil sa sabay-sabay na pagdagsa ng mga taga-Metro Manila na papasok na muli sa kani-kanilang trabaho at pagbabalik ng klase sa mga paaralan.

Dahil dito, magbabalik rin umano ang tila normal na wala nang ‘rush hour’ sa mga kalsada sa Metro Manila dahil sa dami na naman ng mga sasakyan.

Ayon sa MMDA, ang normal na volume ng mga sasakyan sa EDSA ay aabot sa 410,000 habang nitong holiday season ay bumaba sa 100,000 kada araw.

Sa kabila nito, nakahanda naman ang nasa 2,000 tauhan ng MMDA na muling sagupain ang pamamahala sa trapiko lalo na sa mga ‘choke points’.

Kabilang sa mga choke points ay ang Old Samson Road sa Balintawak, Quezon City na naisiwalat na patuloy ang iligal na pagparada na pinaaalis lang ng mga traffic enforcers kapag may dumara­ting na tauhan ng media.

Nangako naman si Pialago na tututukan ang naturang insidente upang makilala at mapanagot ang mga tauhan na hindi tumutupad sa tungkulin.

Show comments