MANILA, Philippines — Ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang petisyon para makapaglagak ng piyansa ng sampung akusadong miyembro ng Aegis Juris fraternity kaugnay sa hazing na ikinasawi ni Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Nabatid na noong Disyembre 10, 2019 ang petsa ng 56-pahinang desisyon ni Presiding Judge Marivic Balisi Umali ng Manila Regional Trial Court, Branch 20.
Ito’y dahil sa malakas umano ang ebidensiyang may kinalaman ang isa’t-isa para hindi payagang makalaya pansamantala ang mga akusado.
Ang sampung akusado ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law na may katapat na parusang hanggang 40 taong pagkakabilanggo.
Kabilang sa sampung nabigong makapagpiyansa sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew, at Marcelino Bagtang. Sila ay mananatiling nakapiit sa Manila City Jail habang dinidinig ang kaso.
Si Castillo ay namatay nang isailalim sa hazing noong Setyembre 17, 2017.
Dinala siya sa Chinese General Hospital kung saan idineklarang dead on arrival.
Noong Hunyo 2019, ang isa pang akusado na si John Paul Solano, na miyembro din ng nasabing fraternity ang natukoy na nagdala sa pagamutan kay Castillo, ay nahatulan ng hanggang 4 na taon at 2 buwang kulong, sa kasong obstruction of justice sa hiwalay na korte.