Kakapusan sa suplay ng tubig, patuloy
MANILA, Philippines — Posibleng patuloy na maramdaman ng mga taga -Metro Manila ang kakapusan sa suplay ng tubig hanggang summer season.
Ayon ito sa National Water Resources Board (NWRB) na nagsabing dahil ito sa hindi nakasapat ang ulan na naranasan nitong mga nagdaang araw para makarating sa Angat dam watershed para magpataas sana sa water level ng naturang dam.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr. pumalo sa 202.6 meters kahapon ng umaga ang water level sa Angat dam, mas mababa ito sa 212-meter normal high water level.
Bunga nito, sinabi ni David na mahihirapan silang mabigyan ng sapat na suplay ng alokasyong tubig ang Metro Manila sa normal allocation na 46 cubic meters per second mula sa kasalukuyang 40 cubic meters per second.
“Kailangan po nating ma-manage ang supply para mapaabot, hanggang sa summer po, bago po ang mga pag-ulan. Kaya sa ngayon po, hindi pa natin maibabalik sa normal na alokasyon, posible po talagang magpapatuloy iyong hindi normal na serbisyo ng tubig para sa kababayan po natin,” pahayag ni David.
Mula October 2019 ay patuloy na isinagawa ang rotational water service interruptions sa Metro Manila dahil sa mababang water level ng Angat dam, ang dam na nagsusuplay ng 90 percent ng tubig sa kalakhang Maynila.
- Latest