MANILA, Philippines — Isang malungkot na Bagong Taon ang sasalubong sa tinatayang 100 pamilya matapos lamunin ng nangangalit na apoy ang nasa 50 kabahayan sa sunog na sumiklab kahapon ng umaga sa Parola Compound, Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila Fire District, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang 2-storey residential/commercial apartment, na pag-aari ng isang Joel Acantillado, sa Gate 10, Pier 2, Brgy. 20, Zone 2, sa naturang lugar, dakong alas-10:45 ng umaga.
Mabilis na umakyat sa ika-4 na alarma ang sunog dahil pawang gawa lamang sa light materials ang mga katabing bahay.
Dakong alas-1:19 ng hapon nang tuluyan itong maideklarang fire-out ng mga bumbero habang nasa limang katao ang naiulat na nasugatan sa insidente kabilang ang isang fire volunteer na si Christian Renasa, 19-anyos na nagtamo ng sugat sa gitnang daliri ng kanang kamay.
Nagtamo naman ng hiwa sa kaliwang kamay si Ronald Bbarizo, 37; Nena Ampi, nasugatan ang tuhod; Roberto Bolicar, 28, natuklap ang kuko ng kaliwang hintuturo; at Bernardo Calaylay, 34, na nahiwa naman sa kaliwang paa.
Tinataya namang nasa P100-libong ari-arian ang napinsala.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa tunay na pinagmulan ng sunog.