Motorcycle crash: 2 patay
MANILA, Philippines — Dalawang rider ng motorsiklo ang patay sa naganap na magkahiwalay na banggaan sa Mandaluyong City at Pasig City kahapon ng umaga.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Johnson Almazan ang mga biktima na sina Rhensy Rentosa, ng Brgy. Bagong Silang, Mandaluyong City at Elpidio Brillio Rogelio Jr., 32, service crew, at residente ng San Isidro, Angono, Rizal.
Batay sa ulat ng EPD, nabatid na unang nasawi si Rentosa sa isang aksidente na naganap sa intersection ng Shaw Blvd. at Sheridan St. Barangay Highway Hills, Mandaluyong City dakong alas-6:00 ng umaga.
Sa report ng Mandaluyong City Police, sakay ang biktima ng kanyang Suzuki raider na may MV file No. 1366-0224191, at binabagtas ang Shaw Blvd., mula sa Shaw fly over, nang makabanggaan nito ang Nissan Sentra na may conduction sticker na F1 I683, na minamaneho naman ni Mark Oliver Mateo, 33, manager at residente 812 Cabezas St., Tondo, Manila, na bumabagtas naman sa naturang lugar, mula sa San Miguel Ave., patungo sa Sheridan St..
Dahil sa lakas ng impact ng banggaan ay tumilapon ang biktima at bumagsak sa sementadong kalsada, na nagresulta sa malubhang pagkasugat nito at kalauna’y nasawi.
Samantala, sa ulat naman ng Pasig City Police, dakong alas-6:25 ng umaga nang mamatay si Rogelio, sa isang aksidente sa East Bank Rd. Brgy. Sta. Lucia, Pasig City.
Minamaneho ni Rogelio ang kanyang Suzuki motorcycle na may MV File No. 1336-04408880, at binabagtas ang northbound ng East Bank Rd. patungo sa direksiyon ng Amang Rodriguez Ave., nang makasalubong nito ang isang Mitsubishi Canter, na may plakang AIA-9700, na minamaneho naman ni Jonathan Romano Andesa, 33, ng Padilla, Antipolo City.
Sinasabing nawalan ng kontrol sa manibela si Andesa kaya’t nakapasok sa kabilang lane, at dire-diretsong nabangga ang biktima.
Dahil sa tindi ng impact nang pagkakabangga ay tumilapon ang biktima sa sementadong kalsada at nawasak ang motorsiklo nito, habang tumagilid naman ang sasakyan ni Andesa.
Isinugod pa sa Pasig City General Hospital si Rogelio ngunit idineklarang dead-on-arrival.
- Latest