90 ‘pasaway’ na pulis, sibak sa serbisyo
Sa loob lamang ng 2 buwan
MANILA, Philippines — Umaabot sa 90 pulis ang nadismis sa serbisyo sa loob ng dalawang buwan matapos masangkot sa ibat-ibang ilegal na aktibidades kaugnay sa pinaigting na internal cleansing sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Officer-in-Charge (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa, nilagdaan na niya ang dismissal order ng nasabing mga parak.
Sinabi ni Gamboa na ang hakbang ay bilang pagpapataw ng kaparusahan sa mga pulis na nasasangkot sa katiwalian.
Sa katunayan, ayon kay Gamboa kabilang sa mga nilagdaan niya ay ang dismissal order ng ilang mga Police Colonels bilang patunay na walang pinapaboran ang internal cleansing ng PNP.
“We have dismissed almost 90 policemen for the last 2 months,” ani Gamboa simula nang manungkulan ito bilang OIC ng PNP noong Oktubre 14 ng taong ito.
Aminado naman ang heneral na isang malaking hamon sa PNP kung paano maibabalik ang tiwala ng publiko.
Idinagdag pa nito na seryoso ang liderato ng PNP sa internal cleansing at kasabay nito ay hinikayat ang publiko na ireport ang mga tiwaling parak gayundin ang mga high-value targets (HVTs) bilang bahagi naman ng pinalakas na anti-drug campaign.
- Latest