MANILA, Philippines — Inayudahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang may 80 street dwellers kasama na ang nga pamilyang Aeta na kinanlong ng QC Social Services Development Department (SSDD).
“I have instructed SSDD to coordinate with Task Force Disiplina and DSWD to reach out to indigenous peoples (IP) and street dwellers who roam our city,” pahayag ni Belmonte.
Anya, ang SSDD at Task Force Disiplina ang personal na magkakaloob ng ayuda sa may 19 na Aetas na nakuha mula sa E.Rodriguez - Kamuning Market at nabigyan ng Pamaskong Handog tulad ng basket ng food/grocery items, gayundin ang ilan pang street dwellers.
Naibili rin ng SSDD ng ticket ang mga Aetas at nakipag- ugnayan sa bus companies para makauwi na sa kanilang destinasyon.
Apat sa anim na pamilya ay mula Porac, Pampanga at ang iba naman ay mula sa Iba, Zambales.
Sinabi ni Belmonte na ang mga street dwellers ay nabigyan din ng pagkain at pamasahe upang makauwi na rin sa kanilang hometown. Ipinaliwanag din sa mga ito ang batas na nagpaparusa sa mga nanghihingi sa kalsada.
“Dati we’re not strict with the law, pero ngayon we will strictly enforce it. Bawal ang namamalimos especially kung dala ay mga bata. That’s child abuse,” pahayag ni Belmonte.
Ayon sa SSDD, nadiskubre nilang ang ibang street dwellers ay benepisyaryo ng modified conditional cash transfer program ng pamahalaan para sa mga walang tahanan at inaming sila ay namamalimos araw araw para may makain ang pamilya.