MANILA, Philippines — Isa ang nasaktan dahil sa tinamong second degree burn sa sunog na tumupok sa tinatayang 150 kabahayan sa isang residential area, sa Pandacan, Maynila, kahapon ng umaga.
Batay sa spot report mula sa Manila Fire District, isang two-storey residential apartment ang pinagmulan ng apoy na kumalat sa mga katabing bahay sa Barangay 833, Pandacan, Maynila dakong alas -9:55 ng umaga.
Mabilis na umakyat sa ika-5 alarma ang sunog makalipas ang kalahating oras, bandang alas-10:26 ng umaga.
Masikip umano ang mga daanan kaya’t nahirapan ang mga trak ng bumbero na pumasok sa erya ng nasusunog na barangay. Naubusan din umano ng tubig ang ilang trak ng bumbero habang ang mga residente din naghakot ng tubig para makatulong sa pag-apula ng apoy at mapigilan ang pagkadamay pa ng ibang kabahayan.
Tinatayang nasa 300 pamilya ang naapektuhan ng sunog at napinsala naman ang nasa P2-milyong ari-arian.
Sa inisyal na ulat mula kay Fire Senior Supt. Rudolfo P. Denaga, incident commander, sumiklab ang apoy mula sa kusina ng ground floor ng isang apartment.
Dakong alas-11:57 ng tanghali ay naideklara nang fire under control.
Isang lalaki na kinilalang si John Cacho ang naisugod sa pagamutan dahil sa lapnos o second degree burn.