MANILA, Philippines — Tugis ngayon ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang dalawang Nigerian national na nangholdap sa dalawa nilang kababayan ng halos P1-milyon, kamakalawa ng madaling araw sa naturang lungsod.
Dumulog sa tanggapan ng Parañaque City Police ang biktimang sina Nkechukwu Sunday Promise Ekekwe, 28; at Praise Tochi Okechukwu, 29-anyos at inireklamo ang mga kababayan nilang sina Onyekachi Nwegwv, 29; at isang alyas “Mr. Collins”, isa ring Nigerian.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, isinalaysay ni Ekekwe na naganap ang panghoholdap sa kanya dakong ala-1:30 ng madaling araw Brgy. San Dionisio, ng naturang lungsod.
Tinawagan umano siya ni Mr. Collins na nanghihingi ng tulong sa kanyang pag-aaral dito sa Pilipinas. Dahil sa kababayan, pinuntahan niya ito sa nabanggit na lugar ngunit pagsapit doon ay bigla siyang ipinasok sa loob ng isang Toyota Vios na kotse at tinutukan ng baril.
Aabot umano sa P300,000 ang tinangay sa kanya nina Mr. Collins at Nwegwv. Ngunit hindi kuntento, pinilit pa siyang dagdagan ang pera para hindi siya patayin kaya tinawagan niya ang kaibigan na si Okechukwu para mangutang.
Lingid umano sa kaalaman ni Ekekwe, nagawa nang magpadala ni Okechukwu ng 4,651,200 Nigerian Naira o katumbas na P651,366 sa pamamagitan ng We Chat account ng suspek na si Nwegwv. Patuloy ang imbestigastyon sa naturang kaso.