Taiwanese na ipiniit ng 2 Chinese, nasagip

MANILA, Philippines — Nasagip ng mga tauhan ng Pasay City Police Station ang isang Taiwanese national makaraang ikulong ng dalawang Chinese na casino financier na inutangan niya at ipinatalo sa casino, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nailigtas na biktima na si Llu Chin-Wei, 38, turista, at nanunuluyan sa isang hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig City. 

Kinilala naman ang mga inarestong suspek na sina Liu Ning, 37,  at Zhu Yizhi, 43,.

Sa salaysay ni Llu sa pulisya, nangutang siya ng P200,000 kina Liu at Zhu na lumapit sa kaniya para bigyan ng puhunan para sa casino. Ngunit dahil sa minalas, naipatalo ng biktima ang lahat ng pera sa casino.  Dahil sa hindi makabayad, dinala siya ng dalawang suspek sa loob ng kuwarto ni Zhu hanggang hindi siya nakakabayad.

Tinawagan ni Llu ang kaniyang kaibigan na isa ring Taiwanese para mangutang ng perang pambayad. Ngunit sa halip na pautangin, pinili ng kaibigan ni Llu na magsuplong sa Taiwanese Embassy na siya namang nag-ulat ng insidente sa Pasay City Police.

Dito nagkasa ng operasyon ang pulisya at nailigtas sa loob ng kuwarto ng hotel si Llu at nagresulta rin sa pagkakadakip sa dalawang suspek dakong alas-6 ng gabi.

Nahaharap ngayon sa kasong illegal detention ang dalawang Chinese national na nakapiit sa Pasay City Police Station.

Show comments