MANILA, Philippines — Nasa P141 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang kargamento na idineklarang speakers o sound system sa isang bodega ilang metro ang layo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang nasabing kontrabando na tumitimbang nang 20.8 kilos ay naharang ng mga awtoridad matapos na dumaan sa x-ray scanning machine sa loob ng FEDEX warehouse malapit sa NAIA terminal 2.
Batay sa ulat ng NAIA-Bureau of Customs, ang illegal drugs ay nakabalot sa dalawang parcels na idineklarang speakers na nanggaling pa mismo sa United States.
Nabatid sa report na ang nakumpiskang shabu ay isinailalim sa panga-ngalaga ng PDEA at patuloy na inaalam kung sinong grupo ng sindikato ang nasa likod ng ilegal na aktibidades.
Nangako naman ang Bureau of Customs (BOC) sa pakikipagtulungan ng PDEA at iba pang miyembro ng NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na patuloy nilang susugpuin ang lahat ng ilegal na droga na pumapasok sa bansa.