MANILA, Philippines — Milyun-milyong pisong halaga ng iligal na droga ang naharang matapos ang ikinasang eksaminasyon ng kinatawan ng Bureau of Customs sa Lungsod ng Pasay.
Ang kontrabando, na may street value na P141,440,000, ay isinilid sa dalawang parcels na idineklarang naglalaman ng mga speaker.
Ang 20.8 kilo ng white crystalline substance ay nagpositibo bilang methamphetamine at iprinesenta ng port NAIA (Ninoy Aquino International Airport) ngayong araw.
Nasabat ang mga nabanggit sa isang warehouse ng FEDEX at sinasabing nagmula pa sa bansang Estados Unidos.
"Ipauubaya namin ang mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa karagdagang imbestigasyon," pagbabahagi ng BOC sa isang pahayag sa Inggles.
Karaniwang humahabap sa mga paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization Tariff Act) ang mga mapatutunayang magpupuslit ng iligal na droga papasok ng Pilipinas.
Sabi pa ng BOC, resulta lamang ng kanilang patuloy na pagsusumikap ang pagkakadiskubre sa mga nasabing droga sa tulong na rin ng ng Philippine Drug Enforment agency.
"Nananatiling mapagbantay ang Bureau sa tungkulin nitong gwardiyahan ang mga hangganan ng bansa upang mapigilan ang pagpasok ng iligal na kontrabanda," panapos ng BOC.
Nangyayari ang lahat ng ito sa kalagitnaan ng kontrobersyal na gera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nagbunsod na ng pagkamatay ng libu-libo.