P.8 milyong halaga ng shabu,nasamsam

MANILA, Philippines — Higit sa P800,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Pasay City Police sa ikinasang magkakasunod na operasyon na nagresulta rin sa pagkakadakip sa walong drug suspek, kahapon ng madaling araw.

Unang nagkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit dakong alas-11:10 ng gabi sa isang bahay sa  Pag-Asa St., Brgy. 185 Zone 19, Maricaban, kung saan nadakip ang mga suspek na sina Maria Theresa Bornales, 34 at si Lorenzo Oli­va Jr., 42, parehong nakatala sa drug watchlist ng pulisya.

Anim na plastic sachet na naglalaman ng nasa 20.5 gramo ng shabu na may halagang P139,000 ang nakum­piska sa dalawang notoryus na ‘tulak’.

Kasunod nito, alas-12:30 ng madaling araw nang magkasa ng operasyon ang intelligence unit sa may Dampa Compound sa Macapagal Blvd., Brgy. 76.  Dito naman nadakip ang suspek na si Rod Tayson, alyas Rodman, 18.

Nang kapkapan ng mga pulis, nakuha sa kaniya ang limang plastic sachet na naglalaman ng 90 gramo ng shabu na may halagang P612,000.

Alas-2 ng madaling araw nang isa pang operasyon ang ikinasa ng Pasay Police kasama ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang bahay sa may No. 31, Block 1, Lot 15, St. Agustin Street, Brgy. 178, Zone 19, Maricaban.  Nasa 20 gramo ng shabu ang nakum­piska rito na nagkakahalaga ng P117,640.

Naaresto ng mga pulis ang mga suspek na sina Ronnie Niemes, 31; Emmanuel Reyes, 37; James Francis Aguilar, 37; Ericka Daguinod, 25 at Ana Marie Fuedan, 39.

Sa tatlong operasyon, aabot sa 127.8 gramo ng shabu na may halagang P869,040 ang nakumpiska ng mga pulis.  Dinala na ang mga ito sa PNP at PDEA Laboratory para sa kaukulang pagsusuri habang nahaharap na ang mga nadakip na suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments