6 Chinese timbog sa kidnap/rape

Ang anim na Chinese na nadakip ng mga tauhan ng PNP-AKG na iprinisinta sa Camp Crame kahapon.

MANILA, Philippines — Nasagip ng mga awtoridad ang tatlong kidnap victims, na sinasabing ginahasa rin ng mga suspek, habang anim na Chinese suspects ang naaresto sa isang operasyon na ikinasa sa Bacoor City, Cavite City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga nasagip na biktima na sina alyas Pham, alyas Zhang at alyas Shen habang ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Zhoung Shuo Cheng, 24; Wang Su Long, 31; Du A Long, 23; Zhu Lun Feng, 22; Zuo Jun, 21 at Yang Bo Kuan, 32.

Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon nang isagawa ang rescue operation sa isang bahay na matatagpuan sa Lot 12 Block 2 Meadowood Executive Village, Bacoor City, Cavite. 

Nauna rito, nakatanggap ang mga pulis ng tip kung saan matatagpuan sa lugar ang hideout ng mga kidnapper na sangkot sa magkakahiwalay na kidnapping sa tatlong biktima kaya’t kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police (PNP-AKG) sa pangunguna ni P/Maj Cesar Nuñez Jr. at P/Maj Edgar Pablico, sa ilalim ng direktang superbisyon ni P/LtCol. Villaflor Bannawagan.

Sa reklamo ng complainant na si Du Huafeng, nabatid na kinidnap ang kanyang nobya na si alyas Pham at noong Disyem­bre 11, dakong alas-2:55 ng hapon nang makatanggap ng wechat at picture ng babae na nakaposas.

Makailang ulit nanghingi ng ransom ang mga suspects na kanya naman pinagbibigyan.  Sa kabila nito hindi pa rin pinalaya ang mga biktima.

Disyembre 12 ay nagdeposito ang complainant ng 60,000 RMB ngunit hindi pa rin pinalaya ang biktima kaya’t nagsumbong na siya sa mga awtoridad.

Sa ikalawang insidente naman ng pangingidnap, isang walk-in complainant, na si Chang Hsiang Hao ang nagtungo sa AKG noong Dis. 11, 2019 at sinabi na ang kanyang nobya na si alyas Zhang ay umalis noong Dis. 10 dakong alas-11:00 ng gabi, at hindi na nakabalik pa. Pagsapit ng alas-10:00 ng umaga kinabukasan ay nakatanggap din umano siya ng wechat message mula sa account ng biktima na humihingi ng P700,000. 

Sa nasabi ring petsa, nagpadala umano siya ng P150, 000 ngunit hindi nasiyahan ang mga suspek at nagpapadagdag pa, kaya’t muling nagpadala ng P550,000 na karagdagan dakong alas-12:00 ng hatinggabi ng Dis.11.

Sa kabila nito, hindi pa rin pinalaya ang kanyang nobya kaya’t nagpasyang humingi na ng tulong sa mga awtoridad.

Pagsapit ng Dis. 12 ay nag-demand umano muli ang mga suspek ng P700,000 pa para sa ligtas na pagpapalaya sa biktima.

Sa kaso naman nang ikatlong nasagip na biktima na si Shen, nabatid na Dis.12 ng alas-10:00 ng gabi nang dukutin siya sa loob ng isang kilalang hotel ang casino ng mga suspek at dinala sa naturang hideout sa Cavite dakong alas-6:00 ng umaga ng Dis. 13 at masuwerteng kaagad ding nasagip sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad kinahapunan.

Show comments