Shabu ipinalaman sa tinapay, dalaw kalaboso
MANILA, Philippines — Swak sa bilangguan ang isang dalaw nang magtangkang magpuslit ng shabu sa Quezon City, sa pamamagitan nang pagpapalaman ng naturang ilegal na droga sa tinapay.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen Ronnie Montejo ang suspek na si Pedro Pacatang Jr., 47, miyembro ng ‘Sputnik Gang’ at residente ng Mandaluyong City.
Batay sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7), na pinamumunuan ni Officer-In-Charge P/Maj. Fortunato Ecle Jr., dakong alas-9:30 ng gabi nang maaresto si Pacatang sa loob mismo ng naturang presinto.
Bago ang pag-aresto ay nagpaalam umano ang suspek na dadalawin ang kanyang kaibigan at kapwa miyembro ng ‘Sputnik Gang’ na si Jhon Jhon Umale na nakapiit sa PS-7 dahil sa kasong illegal gambling.
Gayunman, sa routine inspection, nakadiskubre ang duty jailer ng dalawang pakete ng shabu at isang aluminum foil, na ipinalaman ng suspek sa dalang tinapay, kaya’t kaagad na siyang inaresto.
Nakapiit na rin ang suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest