MANILA, Philippines — Patay ang dalawang lalaki kabilang ang isang 17-anyos na binatilyo makaraang pagbabarilin ng suspect na nakasuot ng face mask sa isang burol sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Crisostomo Santiago, 27, at Jasper Esliza, 17. Sugatan naman ang isa pang biktima na si Joshua Arcega, 27, nang tamaan rin ng bala.
Sa ulat ng Caloocan City Police, alas-11:20 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa isang lamayan sa may Balagtas Street sa Brgy. 143, ng naturang lungsod.
Nasa kasarapan sa pagsusugal ang mga biktima nang dumating ang nag-iisang salarin na naka-face mask at walang sabi-sabing pinaputukan ang mga nasa lamesa ng sugalan.
Kapwa agad na nasawi sina Santiago at Esliza dahil sa mga tama ng bala sa ulo habang isinugod si Arcega sa Manila Central University Hospital. Kaswal naman na naglakad papatakas ang suspek bitbit ang armas na ginamit sa pamamaril.
Pinaniniwalaan na si Santiago talaga ang aktuwal na target ng salarin habang nadamay lamang sina Esliza at Arcega. Ito ay makaraang aminin ng ama ni Santiago na dalawang beses na itong pinagtangkaang paslangin, una ay sa pananaksak at ang ikalawa ay pamamaril rin ngunit nakaligtas dahil sa pagkakasangkot sa iligal na sugal.
Meron nang ‘person on interest’ ang Caloocan City Police na tinutukoy na nila ang kinaroroonan upang maimbitahan sa presinto at makunan ng pahayag.