QUEZON CITY, Philippines — Pinagbabayad ng Quezon City Court ang isang pribadong paaralan sa Maynila ng halagang P220,000 sa magulang ng isang mag-aaral na binully at sinaktan ng mga kapwa estudyante sa loob ng school premises, walong taon na ang nakakaraan.
Sa desisyon ni QC RTC Judge Marilou Runes-Tamang ng Branch 97, napatunayan na nagpabaya at walang ginawang anumang aksyon ang mga opisyales ng Saint Jude Catholic School-Manila sa ginawang pambubully sa isang Grade 2 pupil ng kapwa mag- aaral.
Dawit din sa kasong ito ang mag-asawang Eugene at Joanne Lee, magulang ni Patrick Eugene, na ngayoy may 19 na taong gulang na, ang batang nambully noon sa Grade 2 pupil.
Ang ina ng biktima na si Atty. Melita Go ang agad nagsampa ng kaso sa korte makaraang maganap ang bullying.
Sa kanyang 122-page decision, sinabi ni Judge Runes-Tamang na ang St. Jude School na nirepresent ng school principals na si Rev. Fr. Roderick Salazar, Fr. Marcelino Nicasio, at Grade II class adviser Fatima de Guzman ay walang ginawang aksyon para protektahan ang kanilang estudyante na dapat sana ay napapangalagaan ng paaralan habang nasa kanilang custody ang mga bata.
Sa utos ng korte, oras na hindi magbayad ng danyos ang mga opisyal ng paaralan sa magulang ng biktima, ang mga magulang ni Patrick na sina Eugene at Joanne ang aako sa bayarin.
Sinabi naman ng ina ng biktima, na si Atty. Go ang makukuhang danyos mula sa kasong ito ay ilalagak para sa isang child care facility para sa kapakanan ng mga inaalagaang kabataan ditto.