MANILA, Philippines — Nasagip ng mga elemento ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Chinese na dinukot ng kanyang mga kababayan sa isinagawang operasyon sa Parañaque City, kamakalawa.
Kinilala ni P/Col. Villaflor Bannawagan, Chief ng PNP-AKG Luzon Field Unit ang nasagip na biktima na si Wang Hong, alyas Lee, 26, turista, tubong Chongqing, China at residente ng Ongpin, Binondo, Manila.
Arestado naman ang mga suspect na sina Wang Renhong, 32, at Wan Liang, 36.
Sinabi ng opisyal na ang rescue operation ay isinagawa kamakalawa sa Baymont Hotel, Parañaque City base sa reklamo ni Lin Wei, kaibigan ng biktima.
Sa pahayag ng biktima, Disyembre 4, 2019 ay nagtungo sila sa isang resort casino sa lungsod at naglaro pero natalo kung saan ay nilapitan sila ng grupo ng mga kalalakihang Chinese na nag-alok na pauutangin ito ng P1 milyon na kaniyang tinanggap at inilaro pero muling natalo.
Ayon sa biktima sa nasabing araw ay binayaran niya ang kaniyang utang sa mga suspect sa pamamagitan ng WECHAT kung saan ay muli itong pinautang ng P 1-M para ilaro at kada panalo nito ay nangongolekta ng 15% commission hanggang sa maubos din lahat ang nasabing pera.
Dahil dito ay kinuha ng mga suspect ang susi ng kotse na hiniram ng biktima sa kaniyang kaibigan at puwersahan itong isinakay sa kotse patungo sa isa pang hotel casino kung saan pinalagda ito ng sapilitan sa dokumento na nagsasaad na humiram siya ng P2-M.
Disyembre 8 nakakuha ng pagkakataon ang biktima na magpadala ng mensahe sa kaniyang kaibigan at itinuro ang kanilang lokasyon kung saan ay pinipigil siya ng mga suspect na palalayain habang hindi nababayaran ng kaniyang pamilya ang nasabing halaga.
Kamakalawa nasakote ang mga suspect sa isinagawang operasyon.