MANILA, Philippines — Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng holdup gang nang maka-engkwentro ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 3, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rodel Vicente, 33, residente ng Sta. Cruz, Maynila; at Antonio Yap, 45, residente ng no. 649 Block 15, Baseco, Port Area, Maynila.
Sumailalim naman sa surgical operations ang sugatang operatiba na si P/Corporal Edgil Bombase, nakatalaga sa MPD-Station 3 dahil sa tinamong apat na bala sa tiyan matapos na paputukan ng mga suspect.
Sa ulat ni P/Master Sergeant Jansen Rey San Pedro kay MPD-Homicide Section chief, P/Captain Henry Navarro, ang magkasunod na engkwentro ay naganap dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang engkwentro sa riles ng Philippine National Railways (PNR) sa bahagi ng T. Mapua at Antipolo Sts., Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkules (Dis. 11) at alas-11:20 ng gabi sa harapan ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sa Rizal Avenue, Sta. Cruz.
Sa imbestigasyon, nagpapatrulya ang mga pulis nang may makapagsabing may holdapang nagaganap sa erya ng Blumentritt at nang pinuntahan ay may nagturo naman sa kinaroroonan nila sa T. Mapua st.
Gayunman, papalapit pa lang ang grupo ni Lt. Robles ay sinalubong na sila ng mga putok ng suspek na si Vicente at nasugatan si P/Cpl. Bombase sa gitna ng palitan ng putok hanggang sa tumumba na si Vicente habang nakatakas naman si Yap sa direksiyon ng Rizal Avenue.
Agad naman iniutos ni Magdaluyo ang isang dragnet operation kaya inabangan ng mga tauhan ng Alvarez Police Community Precinct (PCP) ang ikalawang suspek sa pamamagitan ng Oplan Sita. Naghinala sila nang mamataan ang kahina-hinalang kilos ng paparating na si Yap kaya tinangkang lapitan subalit sila man ay pinaputukan din kaya nauwi sa pagganti na ikinabulagta ng suspek nang tamaan sa noo.
Dinala pa siya sa JRMMC subalit idineklara itong dead-on-arrival.
Sa nabanggit na pagamutan din isinugod si Bombase na ayon kay P/Capt. Navarro ay nagtamo ng apat na tama ng bala at tinamaan ang atay.
Narekober kay Vicente ang isang PNP issued service firearm na cal .9mm Glock na may serial #4920558, beltbag na may 9 na sachet ng shabu at cash na P130,000. ilang pirasong sex enhancer; kay Yap ang isang kalibre 22 na revolver.
Nasamsam din ang isang wallet na may isang sachet ng shabu 2 Vivo cellphones; mga LTO registration ng mga motorsiklo.